top of page

Midweek Fellowship – March 2, 2016

Dcn. Lito Robles

 

Lagi ko pong sinasabi na hindi ako ang karapat-dapat humarap sa inyo; ngunit sa aking pagpapatuloy na pakikinig sa salita ng Diyos mula sa Kanyang itinalaga, doon ko narealize na ako ay totoong makasalanan. Hindi lahat ay pinili upang magturo. Kung bibitawan ko ang ipinagkaloob ng Diyos sa akin, parang isang kawalan para sa akin na hindi ako makabahagi sa bawa’t isa sa inyo.

 

Sa ating topic na “Prayer,” ang pumasok sa aking isipan ay ang “Lord’s Prayer” at ang “Nicene Creed.” Ito ang mga prayer na alam ko noong araw. Sa totoo lang, ang pagdarasal ay pakikipag-usap sa Diyos. Kung ating pagkasasaliksikin at pagninilayan, tayo ay harapang nakikipag-usap sa Diyos sa ating panalangin. Kapag tayo ay nagdarasal, dapat taimtim at magpagtimpi tayo. Idinadasal natin, “Panginoon, bigyan Mo po ako ng ganito…” Nguni’t, hindi natin kaagad-agad nakakamtam ito.   Hindi lahat ng ating hinihiling ay ibibigay sa atin base sa ating pamantayan.

 

Sa Mabuting Balita, sa San Mateo 15:21, makikita natin ang pananalig ng isang babaeng Canaanite, kung saan ang anak niya ay sinapian ng demonyo. Sumisigaw siya sa Panginoon at lumapit siya sa Panginoon ngunit pinalalayo siya ng mga alagad. Sinabi ng mga alagad sa Panginoon, “Paalisin Mo na siya sapagka’t sunod ng sunod siya sa atin.” Sabi ng Panginoon, “Hindi nararapat na ibigay sa aso ang pagkain ng bata.” Ang aso ay isa sa pinakamababang hayop noong panahon na iyon dahil sila ang tagapagkuha ng basura. Hindi natinag ang babae; sa halip, sinabi niya, “Panginoon, aso man po ay kumakain ng mumo na nalalaglag sa hapag ng kanyang panginoon.”

 

Ganito katibay ang pananampalataya ng babae, ngunit sa ating sarili, nakikita ba natin ang pagdarasal natin sa Diyos ay may kasamang pananampalataya? Kung ating susuriin sa ating mga sarili, ang lagi nating hinihingi ay ang papabor sa atin. Hindi natin alam na mas kailangan ng ating mga kapatid na naghihirap. Sana, ang ating panalangin ay kaakibat ng malalim na pananampalataya.

 

May kuwento tungkol sa isang matandang babae na may Bible Study lingo-lingo sa kanyang bahay. Dito ay marami ang nagtitipon-tipon. Sa isa nilang pagtitipon, bilang dumating si Satanas. Nagtakbuhan at nagsitakas ng palayo ang mga tao, samantalang iyong may-ari ng bahay ay nagpunta sa isang sulok at kanyang itinaas ang kanyang kamay, “Satanas, Satanas, huwag mo akong sasaktan. Alam mo, Satanas, tatlumpung taon na kami nagbi-Bible Study sa lugar na ito, nguni’t hindi mo alam na sa iyo pa rin ako.”

 

Gaano katagal na tayo sa ating simbahan? Nagagawa ba natin iyong tinuturo sa atin ng ating Panginoon? Nagagampanan ba natin ang mga bagay na Kanyang inaatas sa atin? Ang pagdarasal natin ay dapat laging may kaakibat na pananampalataya sapagkat inaasahan natin na makakamtan ang ating hinihiling dahil sa ating pananalig sa Kanya.

 

Sa Lucas 18 ay napapatungkol sa isang biyuda. Gaano kalalim ang pananampalataya ng biyuda sa istorya? Humihingi siya ng katarungan sa isang hukom na walang panininiwala sa Diyos at walang iginagalang na tao. Hindi napapagod ang biyuda humarap sa hukom kahit na hindi siya pinapansin. Hindi siya natitinag. Sinabi sa kanya ng hukom, “Kahit ako ay walang takot sa Diyos at walang iginagalang na tao, ibibigay ko na ang katarungan na hinihingi ng biyudang ito sapagkat lagi niya akong ginagambala at baka mainis pa ako sa kakapunta niya dito.”

Gagawin kaya rin sa atin ito ng ating Diyos? Tayo ay itinuturing Niyang mga anak pero kung tayo ay laging lalapit sa Kanya at tayo ay maniniklukhod at mananampalataya sa Kanya, wala na tayong hahanapin sapagkat lahat ay napagkaloob na Niya sa atin.   Bakit hindi ibibigay ng Diyos sa atin ang ating mga hinihingi? Sa ating pananampalataya at panalangin sa Diyos, iconsider na natin na natanggap na natin ang mga ito.

Ating ipanalangin sa Diyos una, “Panginoon, bigyan Mo ako ng kahinahunan upang matanggap ko ang bagay na hindi ko kayang baguhin.” Ano ba ang mga bagay na hindi natin kayang baguhin? Siguro, ang ugali ng ating kapatid, pero kaya mong tanggapin ang kapatid mo kahit ganyan ang kanyang paguugali.   Pangalawa, ipanalangin natin, “Bigyan Mo ako, Panginoon, ng katapangan upang magawa ko ang bagay na kaya kong baguhin.” Pangatlo, “Bigyan Mo ako ng karunungan upang malaman ko kung ano ang pagkakaiba ng dalawa.”

Kung ating titingnan, ang ating panalangin ay laging nating sinasamahan ng pananampalataya na makakamtam natin kung ano ang ating hinihiling.  Kung ating pinagdadasal ang gobyerno natin na sa tingin natin ay corrupt, huwag tayong magsasawa at manghihinawa na ipagdasal ito at higit pa rito ang mga kapatid na nangangailangan. Kahit na masama ang ibang tao, ipagdasal pa rin natin sila sapagkat sinabi ng Diyos na pinasisikat Niya ang araw sa masama at sa mabuti. Gayun din na ang ulan ay ipinapapatak Niya sa mabuti at sa masama. Huwag tayong manghinawa sapagkat magbabago rin ang mga tao, masama man sila.

 

May isang kuwento tungkol sa isang simbahan sa Batangas kung saan nagkaroon ng Misa. Sa paguumpisa, sa prosesiyon, may dalawang lalaki na naka-hood at nakasunod sa prosesiyon. Sa pagakyat ng pari sa altar, umupo ang dalawang naka-hood sa harap. Tapos, sabay tumayo ang dalawa at bumunot ng baril at sinabi, “Lahat ng sumasampalataya sa Diyos, maiwan.” Lahat ng tao ay naglabasan.   Ganito ba ang ating pananampalataya? Pagkalabas ng mga tao, humarap iyong dalawang tao sa pari at sinabi, “Father, puwede na po kayo magmisa. Wala na po iyong mga hipokrito.”

 

Ating tingnan ang ating mga sarili. Nasabi natin na ang tagal na natin sa simbahan pero tayo ba iyong tipo ng taong na hingi ng hingi na lamang? Tayo ba iyong tipo ng tao na walang kasiyahan? Kung ano ang ating naririnig, sana ay maisabuhay natin. Makikita natin kung papaano kumilos ang Diyos sa atin. Kung tayo ay magiging tutoo sa sarili natin, lalo nating makikita ang tunay na pagpapala ng Diyos sa bawat isa sa atin.

Magsisi na tayo sa ating mga kasalanan. Kagaya ng fig tree, tayo ay binibigyan pa ng Diyos ng pagkakataon upang tayo ay magbunga. Kung ating titingnan, gusto ng putulin ang puno, ngunit sinabi ng tagapagalaga, “Bigyan mo pa ako ng ilang taon upang lagyan ko ng pataba. Baka sa susunod, baka magbunga na ang puno.”   Tingnan natin ang ating sarili. Tayo ba ay nagbubunga? Tayo ba ang tipo na tao na ang nakikita lamang ay ang mali na ating kapatid? Tingnan natin ang pagpapala ng Diyos sa bawat isa sa atin. Ramdam natin ito kaya lang hindi natin iminumulat ang ating mga mata.

 

Nasabi ni San Pablo kung gaano tayo kamahal ng ating Panginoon. Huwag tayong habang panahon na lamang na maging tulad ng isang bata. “Nawa, ang pagibig na nagmumula sa Diyos ay siya na rin nating maging pag-ibig sa ating kapwa.” Mahal na mahal tayo ng Diyos. Ang pag-ibig na ipinagkakaloob ng ating Diyos ay siya ring pag-ibig na maibabahagi natin sa ating mga kapatid.

bottom of page